Factsheet ng Benepisyo para sa Ngipin sa Canada
Factsheet ng Benepisyo para sa Ngipin sa Canada – Tekstong Paglalarawan
Ang pagkabulok ng ngipin ang pinakakaraniwan, pero maiiwasan, na chronic na sakit sa pagkabata sa Canada at sa buong mundo. Madalas na nagsisimula ang mga sakit sa bibig habang nasa preschool kaya napakahalagang magkaroon ng magagandang kaugalian sa oral hygiene sa lalong madaling panahon.
Ipinatupad ng Pamahalaan ng Canada ang interim na Benepisyo para sa Ngipin sa Canada, na idinisenyo para magbigay ng kaunting suportang pinansyal para matulungan ang mga pamilya na magkaroon ng access sa pangangalaga sa ngipin. Sa tulong ng benepisyong ito, masisimulang tugunan ng mga pamilya ang ilan sa mga pangunahing pangangalaga sa ngipin na kailangan ng kanilang maliliit pang anak habang ipinagpapatuloy ng Pamahalaan ang pagsisikap nito na bumuo ng pangmatagalang programa ng Canada para sa pangangalaga sa ngipin.
ANO ang benepisyo?
Ang interim na Benepisyo para sa Ngipin sa Canada ay nagbibigay ng mga bayad na nagkakahalaga ng hanggang $650 kada kwalipikadong anak na wala pang 12 taong gulang, kada taon sa loob ng dalawang taon.
- $650 kung ang in-adjust na net na kita ng pamilya ay mas mababa sa $70,000
- $390 kung ang in-adjust na net na kita ng pamilya ay mula $70,000 hanggang $79,999
- $260 kung ang in-adjust na net na kita ng pamilya ay mula $80,000 hanggang $89,999
Ang benepisyo ay puwedeng gamitin para sa anumang pangangalaga sa ngipin na ibinigay ng sinumang pinapangasiwaang dental professional.
SINO ang makakapag-apply?
Mga Magulang/Tagapag-alaga na:
- May anak na wala pang 12 taong gulang na walang access sa pribadong insurance para sa pangangalaga sa ngipin.
- May in-adjust na net na kita ng pamilya na mas mababa sa $90,000 kada taon.
- Nag-file ng income tax return para sa nakalipas na taon—para sa iba pang impormasyon tungkol sa kung paano mag-file ng return, pumunta sa Canada.ca/doing-your-taxes.
- Natatanggap ang Benepisyo para sa Bata sa Canada para sa bawat kwalipikadong anak.
- Mayroon o magkakaroon ng mga gastusin sa pangangalaga sa ngipin para sa bawat kwalipikadong anak na hindi pa ganap na nare-reimburse sa ilalim ng ibang programa ng pederal, pamprobinsya o panteritoryong pamahalaan.
KAILAN ka puwedeng mag-apply?
Puwede na ngayong mag-apply ang mga magulang para sa pangangalaga sa ngipin na natanggap ng kanilang kwalipikadong anak mula pa noong Oktubre 1, 2022, hangga't wala pa ring 12 taong gulang ang anak nila pagsapit ng Disyembre 1. Para sa pangalawang benepisyo, makakapag-apply ang mga magulang simula sa Hulyo 1, 2023.
PAANO ka mag-a-apply?
Ang My Account ng Canada Revenue Agency (CRA) ang magiging pinakamabilis, pinakamadali at pinaka-secure na paraan para mag-apply para sa Benepisyo para sa Ngipin sa Canada. Kung wala ka pang My Account ng CRA, puwede kang magparehistro sa Canada.ca/my-cra-account.
Kakailanganin mong magbigay ng impormasyon tungkol sa pagpapatingin para sa pangangalaga sa ngipin, kasama ang pangalan ng (mga) provider ng pangangalaga sa ngipin ng iyong anak at impormasyon ng iyong employer.
Kung mag-a-apply ka online at nag-sign up ka para sa direct deposit ng CRA, matatanggap mo ang bayad sa iyo sa loob ng limang araw ng negosyo!
Kung hindi ka makapag-apply online para sa Benepisyo para sa Ngipin sa Canada, tumawag sa 1-800-715-8836 para simulan ang iyong aplikasyon.
Tiyaking hawak mo ang iyong Social Insurance Number, address, petsa ng kapanganakan at ang kopya ng iyong income tax return mula sa nakalipas na taon.
Paano kung hindi ako nakakabasa o nagsasalita ng English o French?
Available lang sa English at French ang portal para sa aplikasyon. Gayunpaman, kung kailangan mo ng tulong sa aplikasyon, puwede mong paupuin sa tabi mo ang isang kaibigan na nagsasalita ng English o French habang sinasagutan mo ang aplikasyon, o palapitin siya sa iyo kapag tumawag ka sa 1-800-715-8836.
Kung wala kang kaibigan na makakatulong sa iyo sa proseso, maghahanap muna ang CRA ng kakausap sa iyo na nagsasalita ng wika mo, at pagkatapos ay tatawagan ka nila ulit.
Pumunta sa Canada.ca/dental para sa iba pang impormasyon, o tumawag sa 1-800-715-8836
Page details
- Date modified: