Alamin ang tungkol sa Electronic Travel Authorization (eTA)
Nangangailangan ng visa o Electronic Travel Authorization (eTA) ang karamihan sa mga manlalakbay upang lumipad papunta, o dumaan, sa isang airport ng Canada.
Bago ka mag-aplay, alamin kung ano ang iyong kailangan upang maglakbay papuntang Canada.
Ano ang Electronic Travel Authorization?
Ang Electronic Travel Authorization (eTA) ay kinakailangan ng mga visa-exempt na dayuhan upang makapasok sa Canada kung bibiyahe sila sakay ng eroplano. Elektronikong naka-link ang eTA sa passport ng isang manlalakbay. May bisa ito nang hanggang limang taon o hanggang sa mag-expire ang passport, alinman ang mauna. Kung kukuha ka ng bagong passport, kailangan mong kumuha ng bagong eTA.
Gamit ang valid na eTA, maaari kang maglakbay papuntang Canada para sa mga panandaliang pananatili (karaniwang hanggang sa anim na buwan bawat pagkakataon) ilang beses mo man gusto. Hindi mo kailangan ng eTA kung sa loob ka lamang ng Canada maglalakbay.
Hindi ginagarantiya ng eTA na makapapasok ka sa Canada. Sa iyong pagdating, hihilingin ng border services officer na makita ang iyong passport at iba pang dokumento. Kailangan mong kumbinsihin ang officer na karapat-dapat kang makapasok sa Canada.
Sino ang may kailangan ng eTA para makapaglakbay papuntang Canada?
Mayroong 4 na klase ng manlalakbay:
- Mga manlalakbay na kailangan ng eTA:
- Kailangan ng mga visa-exempt na dayuhan ang eTA upang makalipad papunta o makadaan sa isang airport sa Canada. Hindi kinakailangan ng mga manlalakbay na ito ang eTA kapag darating sila sakay ng kotse, bus, tren, o bangka (kabilang ang cruise ship).
- Mga manlalakbay na maaaring mag-aplay ng eTA:
- Ang mga mamamayan mula sa mga piling bansang kinakailangan ng visa ay maaaring mag-aplay ng eTA, sa halip na visa, upang maglakbay papuntang Canada sakay ng eroplano. Gayunpaman, kailangan ng mga manlalakbay na ito ang visitor visa kapag darating sila sakay ng kotse, bus, tren, o bangka, kabilang na ang cruise ship.
- Mga manlalakbay na hindi maaaring mag-aplay ng eTA at kailangang magdala ng ibang pagkakakilanlan:
- Kailangan ng mga mamamayan ng Canada, kabilang na ang mga dual citizen, ng isang valid na Canadian passport. Maaaring maglakbay ang mga American-Canadian gamit ang valid na Canadian o U.S. passport.
- Kailangan ng mga permanenteng residente ng Canada ng valid na permanent resident card o permanent resident travel document.
- Mahalaga – para sa mga dating residente ng Canada: Hindi nag-e-expire ang permanent resident (PR) status. Kung minsan kang nanirahan sa Canada ilang taon na ang nakalipas, maaaring mayroon ka pa ring PR status. Mga karagdagang impormasyon upang maiwasan ang pagkaantala sa paglalakbay.
- Ang mga kinakailangang may visa kabilang ang mga dayuhang passport holder at mga indibidwal na walang state.
- Mga manlalakbay na hindi kailangan ng eTA.
- Hindi na kinakailangan ang eTA ng mga mamamayan ng U.S. at dapat silang magdala ng wastong pagkakakilanlan tulad ng valid na U.S. passport.
- Hindi na kinakailangang kumuha ng eTA ng mga ligal na permanenteng residente ng United States na may valid status.
- Kailangan nilang magdala ng opisyal na katibayan ng status (o ng katumbas na dokumento ng status) at valid na passport mula sa bansang kinabibilangan ng kanilang nasyonalidad (o ng katumbas na travel document).
- Tingnan ang kompletong listahan ng mga dokumento para sa mga ligal na permanenteng residente ng U.S.
Kompletong listahan ng mga tinatanggap na dokumento ng status para sa mga ligal na permanenteng residente ng U.S.
Kailangan mo ng opisyal na patunay ng status bilang isang ligal na permanenteng residente ng U.S., tulad ng isa sa mga sumusunod:
- valid permanent resident card (Form I-551)
- dayuhang passport na may hindi nag-e-expire na pansamantalang I-551 stamp (tinatawag ding Alien Documentation, Identification and Telecommunication [ADIT] stamp)
- dayuhang passport na may pansamantalang I-551 kung saan may naka-print na pahayag ("Nagsisilbing pansamantalang I-551 matapos maaprubahan na nagpapatunay ng permanenteng paninirahan sa loob ng isang taon") sa isang machine-readable immigrant visa na inaprubahan kasama ng U.S. Customs and Border Protection admission stamp
- nag-expire na permanent resident card (Form I-551) kasama ang Form I-797 (Notice of Action) para sa nakabinbing Form I-751 (Petisyon na Alisin ang mga Kondisyon sa Paninirahan) o Form I-829 (Petisyon ng Tagapasiyasat na Alisin ang mga Kondisyon sa Status bilang Permanenteng Residente)
- nag-expire na permanent resident card (Form I-551) na kasama ang Form I-797 (Notice of Action) para sa nakabinbing Form I-90 (Aplikasyon upang Palitan ang Permanent Resident Card [Green Card])
- valid na re-entry permit (Form I-327)
- Form I-94 na may hindi na-expire na pansamantalang I-551 stamp (ADIT stamp) at isang passport-style photo
Tingnan ang kompletong listahan ng mga hindi kailangan ng eTA.
Paano mag-aplay ng eTA para maglakbay papuntang Canada?
Mag-aplay lamang ng eTA dito sa opisyal na website ng Pamahalaan ng Canada.
Isang simpleng online na proseso lamang ang pag-aplay ng eTA na kailangan lang ng ilang minuto upang sagutan. Karamihan sa mga aplikante ay naaaprubahan ang eTA (sa pamamagitan ng email) sa loob ng ilang minuto. Gayunpaman, maaaring tumagal nang ilang araw ang pagproseso ng ilang aplikasyon kung hinihiling na magsumite ka ng mga sumusuportang dokumento. Pinakamainam na kumuha ng eTA bago ka mag-book ng flight papuntang Canada.
Nagkakahalaga ang eTA ng CAD $7. Maaari ka lamang mag-aplay at magbayad para saisang tao kada isang pagkakataon.
Upang masagutan ang form, kakailanganin mo ang iyong passport, credit card, at email address. Kailangan mo ring sagutan ang ilang tanong.
Iwasan ang karaniwang pagkakamali na ito kapag nag-aaplay
Kung mali ang nailagay mong passport number sa eTA form, magkakaroon ka ng problema sa paglipad papuntang Canada.
Gamitin ang gabay sa eTA (PDF, 3.3 MB) at sundin ang mga panuto upang mailagay nang tama ang iyong passport number.
Gamitin ang numero na nasa itaas ng iyong passport information page – ang page kung nasaan ang iyong picture.
Ano ang dadalhin sa airport
Kapag inaprubahan namin ang iyong eTA, ili-link ito sa passport na ginamit mo upang mag-aplay. Kailangan mong ipresenta ang passport na ito kapag nag-check in ka para sa iyong flight papuntang Canada.
I-scan ng airline staff ang iyong passport upang kumpirmahin na mayroon kang valid na eTA. Kung wala, hindi ka makasasakay sa iyong flight.
Kumpirmahin na tama ang passport number
Iwasan ang hassle sa airport: Kapag naaprubahan na ang iyong eTA, i-check kung magkatugma ang passport number na nakalagay sa iyong passport at sa email na nag-aapruba ng iyong eTA. Kung hindi ito magkatugma, kailangan mong mag-aplay ng bagong eTA.
Détails de la page
- Date de modification :